Be still. It's my turn.

Home » Archives » 07. November 2006

Wala eh

November 7, 2006

Enrolan kanina.  Hindi naman nag-init ang dugo ko, hindi gaya ng mga nagdaan na semestre kung saan dinudugo na lahat ng pwedeng duguin sa akin dahil sa kahihintay sa bulok at mabagal na sistema ng pag-eenrol sa UP.  Ganun talaga eh, yan ang kapalit ng mura at dekalidad na edukasyon. 

Medyo tanghali na ako nakarating kaya naman hindi ko na nakita yung mga kaibigan ko sa madalas namin tambayan.  Akala ko solo flight na ako buong araw, mabuti na lang at nakita ko sa paolo sa hagdan.  Hindi ko na ikukwento ang buong proseso, basta hindi ako nakapagbayad ng tuition ngayon dahil kulang pa ako ng subject.

Naging masaya ang araw ko ngayon.  Nanood kami ng sine sa aming bakanteng oras.  Anghirap magkwento, baka may makabasang hindi dapat magbasa.  Pasensya na.

Ako yung tipo ng tao na hindi nagbibigay ng limos.  Bukod sa wala akong pera, malakas ang paninindigan ko na hindi sa ganoong paraan dapat makuha ng mga tao ang pangangailangan nila.  Sa tingin ko, hindi dapat masanay ang mga mahihirap na nanghihingi na lang, dahil lalo silang hindi makakaahon sa kung ano mang kinalulubugan nila.

Kung ikaw ay madalas dumadaan sa Quezon Avenue, sigurado akong nakita mo na yung mga batang umaakyat sa jeep at nagpupunas ng mga sapatos.  Sigurado akong napansin mo na hindi naman talaga nalilinis ang mga sapatos dahil madumi din ang basahan.  Sigurado akong binigyan mo na sila ng limos kahit isang beses lang.  At sigurado din akong wala kang narinig na "Thank You" matapos mong ibigay ang iyong kaunting barya.

Siguro nakita mo na rin yung batang nangungurot kapag hindi mo siya binigyan ng pera.  Sasadyain niyang hawakan ang iyong puting pantalon gamit ang kanyang mga kamay na nanlilimahid sa dumi.  Magmamakaawa at tatangkaing ilapit ang kanyang maruming mukha sa iyong mukha.  Kapag walang nakuhang pera mula sa kahit isa mang pasahero, padabog itong baba ng sasakyan.  Maaring matyempuhan mo pang bad trip siya at marinig mo siyang sumigaw na "Mga kuripot!"

Mas masarap sana silang tulungan kung maganda lamang ang kanilang mga ugali.  Kung sana ay tinuturuan man lang sila ng kanilang mga magulang.  Galit ako sa mga magulang ng mga batang ito.  Sa tingin ko, sila ay mga iresponsableng mga tao.  Inaasa nila sa mga anak ang kakainin sa araw-araw.  Ang mga batang ito ay dapat nakakapag-aral, nakakapag-laro sa ligtas na lugar at hindi sa lansangan.  Karapatan nila yun.

Hinawakan niya ang puti kong pantalon gamit ang nanlilimahid niyang kamay.  Inilapit niya ang kanyang maruming mukha sa aking mukha.  Nanglilimos sa akin ang batang iyon, ngunit hindi ko siya binigyan.  Hindi dahil sakim akong tao, kundi dahil gusto kong maisip nila na hindi lang yun ang paraan para mabuhay.

Ngumiti na lang ako at sinabing, "Wala eh"

Posted by stillness at 8:25 pm | permalink | comments[10]