Be still. It's my turn.

Home » Archives » November 2006 » Page 2

Wala eh

November 7, 2006

Enrolan kanina.  Hindi naman nag-init ang dugo ko, hindi gaya ng mga nagdaan na semestre kung saan dinudugo na lahat ng pwedeng duguin sa akin dahil sa kahihintay sa bulok at mabagal na sistema ng pag-eenrol sa UP.  Ganun talaga eh, yan ang kapalit ng mura at dekalidad na edukasyon. 

Medyo tanghali na ako nakarating kaya naman hindi ko na nakita yung mga kaibigan ko sa madalas namin tambayan.  Akala ko solo flight na ako buong araw, mabuti na lang at nakita ko sa paolo sa hagdan.  Hindi ko na ikukwento ang buong proseso, basta hindi ako nakapagbayad ng tuition ngayon dahil kulang pa ako ng subject.

Naging masaya ang araw ko ngayon.  Nanood kami ng sine sa aming bakanteng oras.  Anghirap magkwento, baka may makabasang hindi dapat magbasa.  Pasensya na.

Ako yung tipo ng tao na hindi nagbibigay ng limos.  Bukod sa wala akong pera, malakas ang paninindigan ko na hindi sa ganoong paraan dapat makuha ng mga tao ang pangangailangan nila.  Sa tingin ko, hindi dapat masanay ang mga mahihirap na nanghihingi na lang, dahil lalo silang hindi makakaahon sa kung ano mang kinalulubugan nila.

Kung ikaw ay madalas dumadaan sa Quezon Avenue, sigurado akong nakita mo na yung mga batang umaakyat sa jeep at nagpupunas ng mga sapatos.  Sigurado akong napansin mo na hindi naman talaga nalilinis ang mga sapatos dahil madumi din ang basahan.  Sigurado akong binigyan mo na sila ng limos kahit isang beses lang.  At sigurado din akong wala kang narinig na "Thank You" matapos mong ibigay ang iyong kaunting barya.

Siguro nakita mo na rin yung batang nangungurot kapag hindi mo siya binigyan ng pera.  Sasadyain niyang hawakan ang iyong puting pantalon gamit ang kanyang mga kamay na nanlilimahid sa dumi.  Magmamakaawa at tatangkaing ilapit ang kanyang maruming mukha sa iyong mukha.  Kapag walang nakuhang pera mula sa kahit isa mang pasahero, padabog itong baba ng sasakyan.  Maaring matyempuhan mo pang bad trip siya at marinig mo siyang sumigaw na "Mga kuripot!"

Mas masarap sana silang tulungan kung maganda lamang ang kanilang mga ugali.  Kung sana ay tinuturuan man lang sila ng kanilang mga magulang.  Galit ako sa mga magulang ng mga batang ito.  Sa tingin ko, sila ay mga iresponsableng mga tao.  Inaasa nila sa mga anak ang kakainin sa araw-araw.  Ang mga batang ito ay dapat nakakapag-aral, nakakapag-laro sa ligtas na lugar at hindi sa lansangan.  Karapatan nila yun.

Hinawakan niya ang puti kong pantalon gamit ang nanlilimahid niyang kamay.  Inilapit niya ang kanyang maruming mukha sa aking mukha.  Nanglilimos sa akin ang batang iyon, ngunit hindi ko siya binigyan.  Hindi dahil sakim akong tao, kundi dahil gusto kong maisip nila na hindi lang yun ang paraan para mabuhay.

Ngumiti na lang ako at sinabing, "Wala eh"

Posted by stillness at 8:25 pm | permalink | comments[11]

Trust

November 6, 2006

Weird talaga ng tatay ko.  Minsan di ko talaga siya masakyan, di ko siya ma-gets, kaya madalas kami nag-aaway.  Weird din ako kasi sinasabi ko to, matapos kong sabihin nung isang araw na mahal ko siya.

Mahal ko naman talaga yung tatay ko eh.  Yun nga lang, minsan, di ko ma-gets yung pagiging mashadong cerebral niya.  Siguro dahil matanda na siya at bata pa ako.  Ayoko kasi ng mashadong pinagiisipan yung mga bagay.  Para sa akin, sign yun ng indecisiveness.  Mali siguro ako, pero kelangan ko pa ng taong mageexplain sa akin ng tama tungkol doon.

Sa sobrang strict ng tatay ko, feeling ko tuloy, nasasakal na ako.  Minsan kasi, ang dating sa akin, siya lang ang may karapatan magdecide kasi pag kami ang nagdedecide, laging mali, laging hindi tama.  Naaawa na nga ako sa nanay ko, kasi nagkakaroon siya ng feeling na hindi importante yung opinyon niya.

Naisip ko din, baka concerned lang naman yung tatay ko.  Protective, over protective.  Syempre, puro kasi babae ang mga anak niya.  Biruin mong kahit crush lang, uusisain pa rin niya.

Pero sana lang, dagdagan naman niya yung trust niya sa amin dahil hindi naman namin siya niloloko eh.  Never namin siya lolokohin, hinding hindi ko magagawa yun.  Mahal ko ang pamilya ko at hinding-hindi ako gagawa ng bagay na makakasakit sa kanila.  Kaya nga ako nag-aaral ng mabuti para maging masaya naman sila kahit pabigat ako.  Sana lang maisip nila yun.

Tama na ito, madrama na.

Enrolment na bukas! Kitakits mga isko!! :)

Posted by stillness at 9:27 am | permalink | comments[8]

College Scholar

November 4, 2006

Masaya ako ngayon kasi nakita ko na lahat ng grades ko sa CRS.  1.71 ang GWA ko, College Scholar ako for the first time!  Ganito pala ang feeling! Parang lumulutang sa langit.  Masarap sa pakiramdam kasi alam kong pinaghirapan ko talaga lahat ng ito.  Maraming gabi na rin ako nagpuyat, hindi natulog para mag-aral.  Hay, unti-unti nang bumabalik ang tiwala ko sa aking sarili na nawala nung una kong makita ang bagsak kong long exam noon sa Math17.

Oo, degrading talaga ang feeling nun.  Biruin mo, isa lang akong mahiyaing freshie, sa isang napakalaking unibersidad.  Unang exam sa buong college life ko, tapos bumagsak ako.  Ako, ako na isang valedictorian nung gumraduate ng high school.  Masakit sa utak, masakit sa ego.  Ang hirap tuloy ipagmalaki sa UP na valedictorian ako gayong bagsak ang unang exam ko sa Math 17.  Tumaas ang kilay ng mga teachers ko nung high school nung nalaman nila yun.  Anlaki talaga kasi ng expectations ng ibang tao eh, sa sobrang laki, nakakapressure na.

Pero masaya ako, dahil after one year, na-overcome ko na rin ang pressure.  Hindi na ako mahiyain, hindi na ako unsure sa lahat ng bagay na ginagawa ko.  Marami na rin akong friends, marami nang kakilala.  Natutuwa ako dahil hindi lang in terms of acads ako nag-grow, kundi pati na rin sa social aspect ng buhay.

Noong ibinalita ko sa tatay ko ang standing ko, eto ang sinabi niya:

Ama: congrats anak, mana ka talaga sa akin, I'm very proud of you…hehehe
ako: hehe.. salamat pa!!
ako: next sem ulit! sisikapin ko maging CS ulit.. o kaya US.. para mas masaya
Ama: keep up the good work and also work on your personality and character
ako: yes sir
Ama: alam ko kaya mo yan
Ama: and i'm here always to support you all my baby's

Ayan, actual conversation sa YM.

Ayos ang acads ko, ang social life.  Kailangan ko na lang i-build-up ang aking personality at character.  Magandang advice ito galing sa aking ama.  Nagpapasalamat ako dahil napakasupportive ng pamilya ko sa akin.  Mahal ko kayo!

Ikaw, naovercome mo na ba ang insecurities mo?

Posted by stillness at 12:07 pm | permalink | comments[17]

Kalat

November 2, 2006

Naglinis ako ng kwarto ko kanina.  Hinalungkat ang mga sandamakmak na papel na naipon sa aking cabinet.  Karamihan sa mga ito mga readings mula sa mga subjects ko ngayong college.  Nakakatawang isipin na napakasentimental na tao ko pala.  Mahirap para sa akin ang itapon lang basta-basta ang mga bagay.  Ultimo resibo ng mga kinainan ko dati, lalo na kung kasama ko ang mga kaibigan ko, tinatago ko parin.  Mga ticket ng mga pinanood na play. mga box ng french fries galing sa mcdo, mga pinagbalutan ng mga regalong naibigay sa akin, mga litrato ng mga kaibigan ko nung high school, lumang pambura, lapis, mga sulat.  Kalat para sa iba, pero mga alaala para sa akin.

Sa gitna ng aking paglilinis, nakita ko yung ginawa kong speech para sa graduation namin nung high school.  Bigla kong naisip na nakakatouch pala yung nagawa kong speech.  Ang malungkot na parte, hindi ako pinayagan na yun ang gamiting speech.  Gumawa ng panibago ang aking adviser at yun ang pinamemorize sa akin.  Sa aking pananaw, hindi naging maganda ang kinalabasan ang aking valedictory speech noon.  Unang-una, hindi mula sa puso ko ang mga salitang iyon at pangalawa, hindi ko talaga namemorize yung bagong speech.  Kung maibabalik ko lang ang panahon, bibigkasin ko yung ginawa ko sa graduation at sigurado akong marami ang maiinspire.

Wala rin talagang kwenta yung ginawa kong paglilinis kanina.  Kung nabawasan man ang "kalat" sa aking cabinet, sigurado akong hindi ko ito mapapansin.  Kakaunti lang talaga kasi ang aking mga naitapon.

Fact:  Meron akong 13 na boxes ng french fries na naitago.  Ang mga ito ay nanggaling sa McDo, Jollibee, Wendy's. Burger King at Carl's Jr.  Pinakamarami ang sa McDo.  Obsession ba ito? :)

PS: Sa lahat ng nagkukumento at dumadaan, maraming salamat sa inyo.  Mas nakakaganang magsulat kapag alam mong may nakakaapreciate ng mga gawa mo, diba?

Posted by stillness at 11:31 pm | permalink | comments[8]

Pros and Cons of Living Alone

November 1, 2006

Tunay na talaga.  Tuloy na tuloy na ang aking pag-iisa sa susunod na sem.  Syempre masaya ako dahil sa wakas ay hindi na rin ako mapapagod sa araw-araw na pagcocommute.  Hindi na ako gagabihin dahil sa traffic at makakapag-aral na ako ng maayos.  Pero nakakalungkot pa rin ang mawalay sa pamilya.  First time kong hindi uuwi sa bahay ng matagal.

Bukod pa sa pagkamiss sa pamilya, wala din akong computer doon.  Wala ding TV.  Wala na akong ibang gagawin kundi mag-aral nang mag-aral hanggang wala na akong maaral.  Sana lang maging maganda ang kalabasan ng next sem upang di naman masayang ang lahat ng gagawin kong sakripisyo.

Sa December pa siguro ako magkakaroon ng laptop sa apartment.  Kaya baka ngayong November, di ako mashadong makakapagbloghop.  Baka sa weekends na lang ako makapag-post.  At baka sometime in December din ako magkaroon ng TV.  Naghahanap pa rin ako ng roommate.

Sana makaya ko ang lahat ng kalungkutan.  Sana hindi mapanis ang laway ko sa apartment.  Sana maging US ako next sem.

Oi kung may time ka, bisitahin mo naman ako sa apartment ko.  Room 65. Ha? :)

Posted by stillness at 9:54 am | permalink | comments[11]